Parang libro.

Para na lamang siyang isa sa mga lumang paborito mong libro. Alam mo na nabuksan mo, nabasa at nasubaybayan ang kwento. Pero hindi mo na maalala lahat. Kung ano ‘yung kulay ng suot, amoy ng damit, itsura ng buhok, o mismong mga salitang winika niya. Siguro pwedeng kabisado mo pa ‘yung memorable lines. Pero kakaunti na lang din. Kung kailan na lang din pumasok sa isip mo ang panahon at pangyayari kung kailan niya sinabi ‘yung eksaktong mga salita, tsaka mo na lang din maiisip. Susubukan mong balikan ang storya, mabubuo nga, pero sa tema ng kabuuan na masyado nang “generalized” at “summarized” (hindi tulad ng synopsis, chapter by chapter!). Hindi lang dahil matagal na ang nakalipas na oras at paunti-unti mo nang nakakalimutan, pero dahil na din ginusto mo unconcsciously na itambak na ang masaya (na naging mapait na lang noong di ka pa over, natanggal ang bitterness nung naka-move on ka na) na alaala sa kalikud-likuran ng utak mo. At kahit anong hakot o dukot ang gawin mo, puro bahagi na lamang at hindi kumpletong alaala ang nakukuha mo. At dahil sa kabiguan mong ito, mas susubukan mo pang buuin ang alaala. Sa proseso ng pagsubok mo nito, mapagtatanto mo ang katotohanang ang dami pang pwedeng alalahanin. Tapos susubukan mong alalahanin muli yung ibang pwede pa. Pero malabo na din. Lalim na rin ng narating sa utak mo, hindi mo na abot. Hindi amnesia. Alam mo sa sarili mo andun lang ‘yung memorya.

Sa inis at gusto mong maaalala ‘yung kwento ng libro, hahanapin mo ‘yung libro para basahing muli. Pero tatlo lang ang kahihinatnan mo. Matutuwa kang mahanap muli ang libro, babasahing muli, mula sa umpisa hanggang sa dulo, pero alam mong magwawakas ulit ito (makikipagbalikan ka, tapos maghihiwalay din kayo, kasi natatapos din ang libro). O kaya naman, hahanapin mo ‘yung libro, pero hindi mo babasahin ang lahat, magsisimula ka lamang sa ibang kabanata o hahanapin ‘yung mga nakalimutan mong pangyayari (maraming interpretasyon dito: mamimiss mo ‘yung tao, tapos susubukan mong makipag-close ulit, o kaya magiging close nga ulit kayo, pwede ring maging “mutually beneficial” na ginagawa niyong panakip butas ang pareho sa butas din naman na ginawa niyo sa isa’t isa na alam niyong ni kailanma’y hindi na maaaring takpan o tapalan, o in short, friends with benefits (na lang), anumang level naiisip niyo). At ang natitira, malulungkot ka na wala na ‘yung libro, naitapon mo na, may nagnakaw na, itinapon na ng kaibigan mong napapangitan sa libro na ‘yun, sinunog na ng nanay mong may issues sa libro na ‘yun at either hahanap ka nalang ng bago (o luma din) na libro o sequel noong same na title, depende sa manunulat o publisher noon, pero maghihintay ka pa ng kaunting panahon (interpretasyon: hindi mo na siya babalikan, mapagtanto mong sayang panahon mo kung lolokohin mo na naman sarili mo, inagaw na ng iba, inilayo ka na ng mga kaibigan mo sa kanya, pinagbawalan ka na ng ermats mong balikan siya at maghahanap ka nalang ng iba, ibang old flames o bagong lovelife, basta hindi siya, o maghihintay ka ng bagong beginning niyo pero pagkatapos pa ng ilang panahon depende kay God. Cheverloo di ba? Siya yung manunulat o publisher ng lovelife mo teh.)

PS. Kung yung sequel/series pinipili mo lagi at break pa rin kayo ng break, bagay na title analogy sa kwento niyo… “Series of Unfortunate Events”

Tags: blog lorraine